|
|
|
Contact Us:
Gov. Joey Sarte Salceda
Green Economist
Manuel Nong C. Rangasa
Executive Director-CIRCA
Mobile: +63.906.333.9400
Telefax: +63.52.480.3649
Email: info@albaycirca.org
|
|
TOTOO BA NA UMIINIT ANG MUNDO?
Oo. Sa nakaraang isang daang taon, mula noong 1906 hanggang sa 2005, ang natalang itinaas ng pangkalahatang temperatura ng buong daigdig ay nagbabadya ng patuloy pang pag-init ng mundo. At lalo pang iinit sa mga susunod na dekada kung tayo ay di gagawa ng mga paraan na magpapabagal ang nasabing pagtaas ng temperatura.
BAKIT UMIINIT ANG MUNDO?
Una, natural lang na nakakaranas tayo ng init dala ng araw, at kailangan ang init na ito upang mabuhay ang tao, halaman at mga hayop. Ang malaking bahagi nito ay bumabalik din sa atmospera at kalawakan. Subalit dahil sa gawain ng tao, napipigilan ang pagbabalik ng init sapagkat ito’y nahaharang ng mga “gas” na naiipon sa atmospera. Ang parami nang paraming konsentrasyon ng mga “gas” na ito ay nagsisilbing makapal na balot na nagpapainit sa mundo. Ito ay tinatawag sa Ingles na “global warming.”
ANU-ANO ANG MGA “GAS” NA ITO?
Ang pangkahalatang tawag sa mga “gas” na ito ay “greenhouse gas (GHG)” o kaya ay “carbon dioxide” at mga “carbon dioxide equivalents.” Ang mga ito ay methane, nitrous oxide, hydrofluorocarbons at iba pa.
BAKIT DUMADAMI ANG MGA ITO?
Ang dahilan kung bakit dumadami ang mga “gas” na ito ay bunga ng mga gawain ng tao, tulad ng paggamit ng langis at gasolina sa mga sasakyan, sa mga pagawaang industriya katulad ng mga gawaan ng semento, pagmimina at mga iba’t ibang pabrika, pagpapa-akyat ng tubig sa matataas na imbakan, at iba pa. Kasama ang pagsunog ng ipa sa mga kiskisan at ang mga nabubulok na dayami na naiiwan sa kabukiran pagkaraang ng pag-ani, pagsisiga ng basura, pagpuputol ng mga puno at pagkakaingin, hindi tamang pag-tapon ng basura, lalo na ang mga nabubulok, paggamit ng airconditioners sa mga sasakyan at mga gusali, paggamit ng mga refrigerators, paggamit ng mga kemikal na pataba ng pananim at pampuksa ng mga sakit at kulisap sa mga pananim, at iba pa ay nakapagpaparami ng mga “greenhouse gases” sa atmospera na siyang nagiging dahilan din ng pagtaas ng pangkalahatang temperatura ng mundo.
GAANO KALAKING BAHAGI ANG KONTRIBUSYON NG PILIPINAS SA SULIRANING ITO?
Ang kontribusyon ng isang maliit na bansa na kasalukuyan pa lang na nagkakaroon ng tinatawag na pag-unlad o ang isang “developing country” na katulad ng Pilipinas ay napakaliit, lalo na kung ihahambing sa mga nagiging kontribusyon ng mga mayayamang bansa, katulad ng Estados Unidos, Australya, Hapon, Alemanya, Inglatera at iba pang bansa sa Europa. Samantala ang mga bansang Indiya at Tsina ay mabilis na ngayong humahabol sa paglaki ng konstribusyon sa mga nakikitang pagtataas ng pangkalahatang temperatura ng mundo.
MAYROON BANG MAKIKITANG EPEKTO DAHIL SA PATULOY NG PAG-INIT NG MUNDO O “GLOBAL WARMING”? ANU-ANO ANG MGA ITO?
Maraming mararamdaman at makikitang mga pangyayari na sanhi ng “global warming.” Ang mga ito ay ang sumusunod:
Pagkakaroon ng pagtaas sa antas ng “sea level”, pagbabago sa lakas at haba ng tag-ulan o kaya’y pagkaantala ng tag-ulan, at mas madalas na pagkakaroon ng matitinding pag-init sa araw at sa gabi.
Ang mga pagbabagong ito any magkakaroon ng epekto sa kalusugan ng tao, mga hayop at mga pananim. Dahil sa pagtaas ng temperatura, may panganib na higit na maraming mga sanggol at mga matatanda ang magiging mas madaling kapitan ng sakit. Ang mga sakit tulad ng hika, sakit sa pulmon, malaria, dengue, encephalitis at iba pa ay maaring dumami sanhi ng pagbabago ng panahon, mga suliranin sa tubig at pagdami ng mga lamok. Nananganib ding dumami ang mga sakit ng mga hayop at pananim. Maaring higit na madalas ang mararanasang mga pagbaha kapag malakas ang buhos ng ulan.
Ang mga pagbaha ay magdudulot ng mga problema sa tubig at kalusugan.
Kapag tumaas ang dagat sanhi ng pagkatunaw ng mga yelo sa mga dating malalamig na bahagi ng mundo, tulad ng Antartika, at ang pag-init ng mga tubig sa karagatan, ang mga naninirahan sa dalampasigan ay maaring manganib ang buhay at kabuhayan, lalo na kung ito’y masasabayan ng paglaki ng mga alon sanhi ng bagyo. Kapag naging malimit ang “El Nino” o ang panahon ng tagtuyot, ang agrikultura ng bansa ay makakaranas ng paghina ng produksyon dahil sa kakulangan ng tubig.
Ang mga bundok ay maaari ring maapektuhan ng mas madalas na tagtuyot dahil maaaring magkakaroon ng mga sunog sanhi ng labis na init, o kaya’y mababago ang mga uri ng puno dahil sa pagbabago ng dalas ng pag-ulan. Marami sa mga nabubuhay sa ating kabundukan ay maaring mabawasan o kaya’y tuluyan nang maglalaho dahil sa pagbabago ng panahon.
Ang ating mga “coral reefs” ay maari ring mamatay kapag labis at matagalan ang pag-init ng tubig sa karagatan. Ang pagkamatay ng “coral reef” ay magdudulot ng kawalan ng tirahan at pagkain ng mga isda at iba pang lamang dagat.
ANU-ANO ANG MGA DAPAT NATING GAWIN UPANG MAPAGHANDAAN AT MAPABAGAL ANG PATULOY NA PAGTAAS NG TEMPERATURA NG MUNDO?
Marami tayong maaring gawin. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Maging handa sa anumang panganib. Mag-imbak ng mga pagkain (bigas at mga delatang pagkain), inumin at mga panandaliang mga gamot kapag panahon ng bagyo at ulan. Palagi ding maghanda para sa panandaliang paglikas kung kinakailangan. Magkaroon ng kaukulang pagpa-plano sa barangay para sa paghahanda sa bagyo, pagbaha at iba pang panganib na dulot ng panahon
Pag-aralan at gawin ang wastong paggammit ng tubig at iba pang mga likas na yaman tulad ng kagubatan.
Magtanim ng mga puno at iwasang magputol ng mga ito.
Itaas ang antas ng kaalaman ng bawat isa tungkol sa usaping “global warming” at gumawa ng kaukulang pagkilos upang maiwasan ang mga panganib na maaring idulot nito.
Bawasan ang madalas na paggamit ng mga sasakyang gumagamit ng langis at gasoline. Maging matipid sa paggamit sa kuryente sa pamamagitan ng pagpatay ng mga ilaw sa
bahay at mga gusali kung hindi kinakailangan.
|
|
|
|